Naghain si Senador Robinhood Padilla ng panukalang batas na nag-aatas sa lahat ng public officials, kabilang ang pangulo ng Pilipinas, na sumailalim sa annual mandatory drug testing.
Ang paghahain ng senador ng panukalang batas ay kasabay ng pagbibitiw ni Nadia Montenegro bilang political affairs officer VI sa kanyang opisina.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1200, o ang panukalang “Drug-Free Government Act, na layong amyendahan ang Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, oobligahin na magkaroon ng annual hair follicle drug test para sa lahat ng mga nasa pamahalaan, mula sa lokal na opisyal hanggang sa mga itinalaga sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Bukod sa annual drug test, hinihimok din ang mga kandidato na sumailalim sa voluntary random drug testing sa loob ng 90 araw bago ang araw ng halalan.
Sakaling magpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang isang opisyal, maaari itong magsilbing basehan para sa administratibong kaso na maaaring humantong sa suspensyon o tuluyang pagkakatanggal sa posisyon.