-- Advertisements --

Iginiit ng Metro Manila Council (MMC) na walang kinalaman sa nalalapit na Eleksyon 2028 ang paglalaan ng gobyerno ng Local Government Support Fund (LGSF) sa mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, presidente ng MMC, tinutupad lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangako nitong palakasin ang kakayahan ng mga LGU.

Kamakailan, nagtipon ang 17 Metro Manila mayors sa Malacañang kasama si Executive Secretary Ralph Recto upang talakayin ang implementasyon ng LGSF.

Ang pondo ngayong 2026 ay umabot sa P57.87 bilyon, pinakamalaki sa kasaysayan, at nakalaan para sa imprastruktura, disaster preparedness, at social services.

Nanawagan si Recto sa mga LGU na tiyakin ang transparent at efficient na paggamit ng pondo upang maramdaman ng bawat barangay at lungsod ang benepisyo.

Sa kabila ng mga espekulasyon, iginiit ng MMC na malinaw na nakatuon ang LGSF sa pagpapaunlad ng komunidad.

Dagdag pa ng council, ang layunin ng programa ay ang mas matatag na lokal na pamahalaan na makakapagbigay ng mas mahusay na serbisyo sa mamamayan.