-- Advertisements --

Sinuspinde na ng Department of Transportation (DOTr) ang lisensya ng isang driver sa loob ng 90 araw matapos makuhanan ng video habang palihim na nagpapalit ng plaka ng sasakyan sa North Luzon Expressway (NLEX).

Ayon sa DOTr, ang insidente ay kaugnay ng isang Toyota Hilux Tamaraw 2.4 na may plate number CCP 2849 at temporary plate AC 137B, na parehong nakarehistro sa iisang may-ari.

Isang show cause order ang inilabas laban sa driver upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan sa paglabag sa batas hinggil sa tamang paggamit ng plaka, at kung bakit hindi dapat tuluyang bawiin o dagdagan pa ang suspensyon ng kanyang lisensya.

Babala ng DOTr, kung hindi dadalo sa pagdinig o magsusumite ng paliwanag ang driver sa itinakdang petsa sa Agosto 22, 2025, ituturing ito bilang pagsuko ng karapatang ipagtanggol ang kanyang sarili.

Inatasan din ang driver na isuko na ang lisensya sa araw ng hearing, habang inilagay na rin sa “alarm status” ang sasakyan nito upang maiwasan ang anumang transaksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.