Inirekomenda ni Sen. Bam Aquino na araling muli ang pondong nakalaan para sa mga flood control project ng bansa sa 2026.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan na ang panukalang pondo para sa mga flood control project sa susunod na taon ay aabot sa P243 billion.
Tinanong si Sen. Aquino kung ang mga proyektong popunduhan nito ay pawang itatayo sa mga lugar na natukoy bilang flood-prone, dahil marami sa mga naunang itinayong istraktura ay itinayo sa mga hindi binabahang lugar.
Sagot ng kalihim, ang mga proyekto sa susunod na taon ay nasa iba’t-ibang lugar. Posible rin aniya na ang ilan sa mga ito ay itatayo sa mga probinsya na hindi natukoy bilang flood-prone.
Giit ni Aquino, hindi katanggap-tanggap na nagtatayo ng mga flood control infra sa mga lugar na hindi naman binabaha habang wala namang nakahanay sa mga lugar na malimit bahain.
Sagot ni Sec. Bonoan, nakabatay ang marami sa mga public infra project sa request at proyekto ng bawat legislative district na una nang naaprobahan, kaya’t ang mga ito ay naka-distribute sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kung saan nagmumula ang mga mambabatas na nagpanukala ng mga ito.
Pero katwiran ni Sen. Aquino, dapat balikan muli ang pondong nakapaloob sa National Expenditure Program para sa susunod na taon, at aralin kung akma ba ang mga flood control project na itatayo sa mga ito.
Kung matutukoy na hindi kailangan, dapat aniyang kanselahin ang proyekto at ilaan na lamang ang pondo sa ibang lugar o ibang proyekto.
Para kay Sec. Bonoan, nakahanda ang DPWH na makipagtulungan upang araling muli ang pondo para sa mga naturang proyekto kung ito ang concencus ng mga mambabatas.
Nanindigan si Aquino na may oras pa upang muling balikan ang mahigit P240 billion na pondo para sa susunod na taon, ngayon at panahon na ng budget deliberation sa dalawang kapulungan. (report by Bombo Jai)