-- Advertisements --

Pagpapaliwanagin ng Commission on Elections (COMELEC) ang apat na kontraktor ng pamahalaan na lumabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na umano’y nag-donate ng pangkampanya sa mga kandidato noong 2022 elections. Magpapadala ng liham ang poll body sa mga natukoy na mga kontratista ng gobyerno.

Lumabas ang isyu matapos isiwalat nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ilang senador ang mga umano’y iregularidad sa mga flood control project sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Garcia, nakatanggap ang poll body ng impormasyon na may ilang kontraktor ng gobyerno na nagbibigay ng pondo sa ilang politiko.

Binigyang-diin niya na malinaw na ipinagbabawal sa Section 95 (c) ng Omnibus Election Code ang pagtanggap ng kontribusyon mula sa mga indibidwal o kompanya na may kontrata sa gobyerno para sa pagbibigay ng goods, serbisyo, o sa pagpapatupad ng mga proyekto at konstruksyon.

Kaugnay pa nito, inihayag din ni Garcia na kasabay rin ng kanilang beripikasyon sa mga kontratista kung sila ba ay may kontrata sa pamahalaan o di kaya’y mga pribadong kumpanya naman, makikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Public Works ang Highways (DPWH) upang kumpirmahin kung nasa ilalim ba nila ang mga kontratista.

Nilinaw din ni Garcia na sa kasalukuyan, ang pananagutan ay nakatuon sa mga kontraktor na nagbibigay ng kontribusyon, at hindi pa malinaw kung direktang masasangkot ang mga kandidato na nakatanggap nito.

Kung sakaling mapatunayan na nagkasala, maaaring humarap sa election offense ang kontraktor dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code at makulong ng isa hanggang anim na taon.