Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi na maaaring iurong pa ang pagdaraos ng mock elections ngayong taon kaugnay sa 2022 national at local elections.
Sa isang online forum, sinabi ni COMELEC Dir. Teopisto Elnas ang pondo para sa mock elections ay para lamang sa ngayong taon.
Hindi na aniya nakapaloob ang naturang pondo sa ilalim naman ng 2022 National Expenditure Program kaya dapat ituloy ang pagdaraos nito bago pa man matapos ang kasalukuyang taon.
Ayon kay Elnas, sa darating na Disyembre 29 nakatakdang isagawa ang mock elections sa ilang tukoy na mga lugar sa bansa kasama ang National Capital Region partikular sa Pasay City at Taguig, at ilan pang mga lugar sa Luzon tulad ng Isabela at Albay.
Sa Visayas naman, isasagawa ang mock elections sa Negros Oriental at Leyte.
Sa Mindanao, gagawin ito sa Davao del Sur at Maguindanao.
Target ng COMELEC ngayon na makapaghikayat ng mas maraming registered actual voters para sa “end-to-end” demonstration ng mock elections.
Kung maaalala noong nakaraang buwan, nagsagawa na rin ang COMELEC ng mock elections sa Lungsod ng San Juan pero hindi naabot ng poll body ang inaasahan nilang bilang ng mga participant.