-- Advertisements --

Nagsimula na ngayong araw ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Metro Manila kung saan ito ang paggamit ng mga Artificial Intelligence (AI) cameras sa ilang lugar para ma-detect ang mga motorista na lumalabag sa batas trapiko. Sumampa na sa mahigit 300 ang mga confirmed at validated violators ng naturang polisiya, ito ay mula alas-sais ng umaga ngayong araw.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, ang nakita niyang assessment sa pagsisimula ang NCAP ay natakot na ang mga motorista na lumabag dahil makikita talaga sa command center ng MMDA ang lahat ng lalabag at malinaw na makikita ang mga plate numbers pati na rin ang violations na ginawa ay natutukoy agad.

Sa pagsisimula ng NCAP, nilinaw din ni Artes sa publiko na walang magiging penalty o interes ang multa ng violation kung hindi ito nabayaran agad dahil na rin malinaw sa kanila na sa mail nila ito ipinapadala kaya maaaring magtagal.

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga telecommunication companies para iimplement ang maayos at mabilis na text notice para sa polisiyang ito.

Samantala, sinigurado rin ni Artes sa publiko na hindi dahil na-detect ng AI cameras ang mga violators agad na itong iissuehan ng sulat. Aniya, matapos ma-detect, ito ay mano-mano nilang iveverify para matiyak na tama talaga ang nakuhang impormasyon ng motorista at ang violations nito. Sunod na nilang papadalhan ng sulat.

Dagdag ni Artes na target ng NCAP ang pagdidisiplina sa mga motorista. Hinimok niya rin ang publiko na may NCAP man o wala, sumunod pa rin sa batas trapiko.