Hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga mall owners na umiwas sa pagsasagawa ng mall-wide sales ngayong kapaskuhan upang hindi lalong lumala ang trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, hindi ipinagbabawal ang mga per store sales, ngunit ang sabay-sabay na malakihang sale ay nagdudulot ng matinding pagsisikip sa mga pangunahing kalsada.
Kamakailan, nakaranas ng anim na oras na gridlock sa Marcos Highway dahil sa sabay-sabay na mall sales at hindi maayos na koordinasyon sa truck ban.
Batay sa datos, umaabot sa 270,000 sasakyan ang dumaraan sa Marcos Highway araw-araw, habang sa EDSA ay pumapalo sa 450,000 ngayong Disyembre, lagpas sa kapasidad na 250,000.
Bilang tugon, nagpatupad ang MMDA ng clearing operations sa mga Mabuhay Lanes upang magsilbing alternatibong ruta.
Nanawagan din ang ahensya sa publiko na gumamit ng pampublikong transportasyon gaya ng MRT at EDSA Bus Carousel upang makatulong sa pagbawas ng trapiko.
Layunin ng MMDA na mapanatili ang mas maayos na daloy ng sasakyan ngayong holiday rush at maiwasan ang matinding abala sa mga motorista at mamimili.
















