-- Advertisements --

Hiling ni The Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na ma-diskwalipika ang mga kandidatong nag-iiwan ng kanilang mga campaign materials pagkatapos ng pangangampanya.

Ito ay kasunod ng paglilinis ng MMDA at pagkakakolekta ng mahigit 11.18 tonelada ng mga campaign materials tulad ng mga poster, tarpaulin, at mga streamer, ilang araw mula noong election day.

Giit ni Artes na dapat itong ipatupad sa bansa dahil laging naiiwan ang maraming mga kalat pagkatapos ng halalan at halos hindi na ito binabalikan ng mga kandidato.

Kahit matalo aniya ang mga kandidato at hindi nila binalikan ang kanilang mga ipinaskil na campaign materials, kailangan pa ring patawan ang mga ito ng disqualification kung maisipan nilang tumakbong muli sa anumang posisyon sa mga susunod na halalan.

Giit ng MMDA chief na isa itong paraan para panagutin ang mga kandidato sa kanilang sariling mga basura, sa halip na ini-aasa lamang sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan ang paglilinis sa mga iniwan nilang kalat.

Samantala, sa naunang paglilinis na ginawa ng MMDA matapos ang halalan, sinabi ni Artes na maaaring gawin ang mga nakolektang tarpaulin bilang mga eco-bags o kung hindi man ay mga eco-friendly bricks at mga hollow blocks sa pamamagitan ng special machinery ng MMDA sa solid waste management facilities nito.