-- Advertisements --

Nabuo na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang Technical Working Group (TWG) upang bumuo ng mga estratehiya kontra sa lumalalang problema ng illegal parking sa kalakhang Maynila.

Sa pulong na ginanap sa MMDA Central Office sa Pasig, tinalakay ng grupo ang pagpapatibay ng pagpapatupad ng batas, mga kampanya sa kaalaman ng publiko, at maayos na guidelines upang maging mas organisado ang trapiko at mas accessible ang mga lansangan.

Isa sa mga pangunahing plano ay ang pagkakaroon ng iisang polisiya kontra illegal parking sa buong Metro Manila. Kasama rito ang mungkahing ipagbawal ang pagpa-parada sa lahat ng pampublikong kalsada mula ala-5:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi upang mabawasan ang trapiko.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, mahalaga ang hakbang na ito sa layuning gawing mas “livable” o kaaya-ayang tirhan ang Metro Manila. Binanggit din niya ang posibilidad ng No Parking Zones sa mga pangunahing kalsada at time-based parking restrictions gaya ng sa Makati City.

Ayon kay MMDA TDO Director Victor Nuñez, ang hakbang ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking mananatiling malinis at ligtas ang mga lansangan mula sa anumang sagabal.