-- Advertisements --

Inihayag ng kasalukuyang alkalde sa lungsod ng Maynila na kanilang hindi umano sasampahan ng kaso ang mga isiniwalat na mga contractors ng flood control projects na walang permit.

Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, bagama’t bigo at walang kaukulang permit ang mga ito, kanyang sinabi na kanila itong hindi pakakasuhan.

Sa halip aniya’y bukas ang lokal na pamahalaan ng lungsod sa mga contractors upang bigyan ng permiso o permit sa kanilang mga proyekto sa Maynila.

Ibig sabihin, may pagkakataon na makapagbayad at makakuha ang mga ito ng permit, contractor’s tax, at regulatory fees.

Personal namang nagtungo sa Padre Faura Street, Maynila ang naturang alkalde kasama si Metropolitan Manila Development Authority Chairman Romando ‘Don’ Artes.

Kanilang ininspeksyon ang ‘declogging operations’ na layong mahigop ang burak at bara sa mga kanal na siyang sanhi ng pagbaha.

Sa ginawang inspeksyon, kanilang nadaanan ang Department of Justice, at Korte Suprema kung saa’y kasama nila maging ang ilan mula sa Department of Public Works and Highways, at Manila Traffic and Parking Bureau.