-- Advertisements --

Patuloy pa rin ang gobyerno sa pakikipagtulungan sa mga pribadong sektor sa paggawa ng mga hakbang para sa masolusyunan ang mga pagbaha sa Metro Manila.

Kaugnay nito ay nakatakda namang magsanib pwersa ang Metropolitan Manila Development Authority at San Miguel Corporation para mabigyan ng solusyon ang pagbaha sa bahagi ng Commonwealth Avenue.

Una nang binaha ang naturang lugar dahil sa mga pag-ulang naranasan dulot ng habagat.

Personal na pinangunahan ni MMDA Chair Romando Artes ngayong araw kasama ang mga contractor ng SMC at ilang kinatawan ng lokal na pamahalaan ang QC ang pagsasagawa ng inspeksyon sa ilalim ng MRT-7 Batasan Station.

Kabilang sa mga napagkasunduang agarang solusyon ay ang pagpapalawak ng kasalukuyang drainage system ng sa gayon ay hindi maipon ang tubig baha sa mga kalsada at mabilis itong dumaloy sa mga pinakamalapit na creek sa lugar.

Isinagawa rin ang paglilinis sa naturang drainage kung saan ay nakuha dito ang mga nakabarang plywood, plastik at malalaking bato.

Sinabi naman ng MMDA na kanilang isinusulong ang pagbuo ng drainage master plan bilang pangmatagalang solusyon sa baha tuwing panahon ng tag-ulan.