-- Advertisements --

Pinangunahan nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes at Manila Mayor Isko Moreno ang pagbubukas ng floodgate malapit sa may bahagi ng Manila Bay upang mabawasan ang pagbabaha sa ilang parte ng kalakhang Maynila. Naglagay din ang ahensya at lokal na pamahalaan ng trash traps para sa mas mabilis na pagkokolekta ng basura sa Manila Bay.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng pahayag ni Artes na dahil sa paggawa ng Dolomite Beach ay nagkakaroon ng pagbaha sa bahagi ng Roxas Blvd at Malate. Aniya, tatlong major drainage kasi ang naharangan nung ginawa ang naturang artificial beach. Kaya naman agaran silang nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Maynila upang solusyunan ito.

Naniniwala naman si Moreno na mababawasan na ang pagbaha sa mga malalapit na lugar sa Manila Bay at hindi na malalang maapektuhan ang mga taga-Maynila dahil sa hakbang na ito. Dagdag pa niya na naglagay na rin sila ng trash-traps na 24-oras na babantayan lalo na ngayong tag-ulan.

Samantala, sinabi rin ni Artes na maaari nilang baguhin ang disenyo ng floodgate para mas mabilis din itong maangat lalo na kung walang ulan upang malinis ang tubig na ma-discharge. Pagtitiyak niya rin sa publiko na nasa 71 pumping stations ng MMDA ang maayos na gumagana ngayong panahon ng tag-ulan.