Magtatalaga ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mahigit 2,400 na enforcer para sa Undas.
Ayon kay MMDA Swift Traffic Action Group (STAG) Head Colonel Bong Nebrija sa Saturday News Forum, tututukan ng MMDA ang limang sementeryo sa Metro Manila: Manila North Cemetery, South Cemetery, Bagbag Cemetery, Loyola Memorial Park, at San Juan Cemetery.
Simula ngayon, naka-deploy na ang mga enforcer ng MMDA sa mga pangunahing kalsada at bus terminal.
Magtatalaga rin ang ahensya ng Metro Parkways Clearing Group upang tumulong sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kalinisan sa Undas.
Nakipag-ugnayan na rin ang MMDA sa NLEX, SLEX, at CALAX para sa daloy ng trapiko papasok at palabas ng Metro Manila.
Bukod pa rito, nakikipag-ugnayan din ang MMDA sa PNP at HPG para sa seguridad at maayos na pamamahala ng trapiko sa mga kalsada at sementeryo.
















