-- Advertisements --

ILOILO CITY – Inireklamo ng isang overseas Filipino worker na misis at tatlong anak ang kanilang padre de pamilya dahil sa pangangaliwa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo sa misis na si “Neneng,” 40, ng Janiuay, Iloilo, sinabi nito na matagal na siyang nagdududa na may karelasyon ang kanyang mister.

Nagsimulang kutuban si “Neneng” nang magbakasyon ang kanyang mister sa Singapore kung saan nabasa nito ang text messages sa pagitan ng kanyang mister at ng babae na umano’y isang guro.

Inihayag ni “Neneng” na upang mapatunayan, pinabantayan niya ang mister sa kanilang tatlong anak na nasa edad 13-anyos, 19, at 21-anyos.

Ayon kay “Neneng” nakita pa umano ng kanyang anak ang motorsiklo ng mister sa labas ng boarding house kung saan nakatira ang guro.

Dahil dito, humingi ng saklolo sa otoridad ang kanyang tatlong anak ngunit tila ba mabagal daw at walang imbestigasyon ang mga pulis.

Sa patuloy na pagmamasid ng kanyang tatlong anak, may isang lalaki na pumunta sa boarding house ng guro at pinagdududahan na siyang nagbigay ng babala sa kanilang ama.

Kalaunan ayon kay “Neneng” nakilala nila ang nasabing lalaki na isang umanong pulis.