Nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa mga nabiktima lalo ang mga namatayan sa malakas na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao kagabi.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ikinalulungkot nila ang trahedya at nakikisimpatiya sila sa mga naapektuhang kababayan.
Ayon kay Sec. Panelo, nakatutok ang national government partikular ang PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) sa sitwasyon matapos ang nangyaring lindol.
Kasabay nito, nananawagan ang Malacañang sa publiko na manatiling kalmado pero nakaalerto at iwasang magpakalat ng maling impormasyon na maaaring makalikha ng alarma, panic at stress sa mga mamamayan.
Tiniyak ni Sec. Panelo na inatasan na ng Office of the President ang lahat ng concerned agencies ng gobyerno para magbigay ng agarang tulong sa mga nabiktima ng lindol at ihanda ang gagawing rehabilitasyon sa mga napinsalang mga lugar.
“The Palace is saddened by this unfortunate incident and, in the meantime, wishes to express its sympathies to those who were affected thereby,” ani Sec. Panelo.
“We ask the public to remain calm but vigilant and we urge them to refrain from spreading disinformation that may cause undue alarm, panic and stress to many people.”