-- Advertisements --

Handa umano si American welterweight contender Mikey Garcia na pumusta ng $1-milyon sa kanyang sarili sakaling matuloy ang nilulutong bakbakan sa pagitan nila ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.

Bagama’t wala pang kasiguraduhan kung uusad ang laban, sinabi ni Garcia na posibleng mangyari raw ang inaabangang boxing match sa unang bahagi ng taon.

Maaari rin aniyang umabot sa dalawa hanggang limang milyon ang kanyang ipupusta sa sarili laban sa eight-division world boxing champion.

Ayon sa Forbes, kumita ng $7-milyon si Garcia sa huli nitong laban kay Jessie Vargas, habang nagbulsa naman ng $10-milyon si Pacquiao kontra kay Keith Thurman.

Inamin din ni Garcia na nakatatanggap daw ito ng maraming tanong sa social media kaugnay sa detalye ng umano’y deal ngunit iginiit nito na hindi raw muna siya magsasalita hangga’t hindi napipirmahan ang fight contract.

-- Advertisement --

Una nang sinabi ng isang matalik na kaibigan ni Pacquiao na ayaw magpabanggit ng pangalan na posibleng sa Mayo maganap ang susunod na laban ng Fighting Senator.