Inihayag ng kataastaasang hukuman na bukas umano sila para makipag-diskusyon kasama si Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Kung saan wala raw umanong nakikitang dahilan ang Korte Suprema para pigilan o hindi makiisa sa talakayan hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon mismo sa kasalukuyang tagapagsalita ng kataas-taasang hukuman na si Atty. Camille Sue Mae Ting, bukas sila para talakayin ang naturang isyu.
Kaugnay ito sa unang inihayag ni Justice Secretary Remulla na planong pakikipag-usap kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo hinggil sa ibinunyag ng testigong kinilala bilang si alyas ‘Totoy’.
Isinawalat kasi nito sa ibinahagi ng kalihim na kaya raw panghimasukan ng itinuturong ‘mastermind’ maging ang hudikatura o ang Korte Suprema.
Kaya’t bunsod nito’y nais ni Secretary Remulla na makipag-ugnayan kay Chief Justice Gesmundo upang talakayin ang naturang alegasyon.
Ngunit sa kabila nito, sa naging pagtatanong naman ng Bombo Radyo kay Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting ng Korte Suprema, kanyang inihayag na hindi pa raw nag-uusap sina Chief Justice at Justice Secretary.
Kung saan sinabi niyang wala pang diskusyon na nagaganap para talakayin ang isyu sa mga nawawalang sabungero.
Ito kasi ang nais mabigyan kaliwanagan ni Justice Secretary Remulla ukol sa impluwensya ng pera sa hudikatura na galing umano sa kitaan ng mga e-sabong.
Kaugnay pa rito, ibinahagi naman ng naturang kalihim na hindi pa rin tiyak kung mayroon ng sinumpaang salaysay ang testigong kinilala bilang si alyas ‘Totoy’.
Bagama’t mayroon na itong ‘statement’, hindi raw napansin ni Remulla kung mayroon itong pirma kaya’t umaasa na lamang siya na mayroon na itong hawak.