-- Advertisements --

Umabot na sa 32 na personnel ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang nagpositibo sa COVID-19.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal, sa naturang bilang, 10 na ang nakarekober habang naka quarantine pa ang iba.

“We have 32 as we speak right now. Pero out of the 32 personnel na nagkaroon po ng COVID, yan po ay tally magmula po mag-umpisa ang ating COVID-19 dito sa paliparan, meron po tayo 32 na nagpositibo, out of the 32, sampu na po ang nakarecover. Yung natitira po ay kasalukuyang naka quarantine at binabantayan at inaasikaso ng ating pamunuuan. Katulong po natin ang ating mga barangay dahil yun po ang panuntunan na sila po ang katulong natin sa pagaruga sa kanilang kalusugan,” ani Monreal.

Ayon kay Monreal, bilang pagtalima sa health protocol na itinakda ng Department of Health (DOH), agad umanong isinasara ang isang opisina kapag may nagpositibo na personnel at isinasailalim sa tatlong araw na disinfection.

“Ayon po sa protocol na sinusundan natin, alinsunod na tinatalaga ng department of health, pag meron pong isang opisina na nagkaroon ng positibo na empleyado, yan po ay sinasarado natin ng at least 3 days dahil iniimplement po natin ang pag disinfect, pagsasaayos ng opisina, once napatupad po ang double disinfection,” dagdag ni Monreal.

Bagama’t may nagpositbo na sa COVID-19, tiniyak ni Monreal na natutugunan naman ng MIAA ang pangangailangan ng aviation industry sa bansa.