Maaring dumiretso sa ospital sa halip na dalhin pa sa quarantine facility ang isang may sakit na returning overseas Filipino, ayon kay treatment czar Health Undersecretary Leopoldo Vega.
Sinabi ito ni Vega kasunod nang pagkamatay ng isang OFW sa sakit nitong cancer habang naka-quarantine matapos na umuwi sa bansa.
Noong Agosto 10 nang dumating sa Cebu ang OFW na si Rachel Sagonoy galing Saudi Arabia.
Siya ay negatino sa COVID-19 at kaagad na dinala sa isang quarantine facility.
Umapela pa raw ang pamilya nito na kung maari ay sa ospital na lamang mag-quarantine si Rachel dahil mayroon itong cervical cancer, pero hindi pinagbigyan ang kanilang hiling.
Agosto 20 nang malaman ng pamilya nito ang kanyang pagpanaw, sakto sa huling araw nito sa quarantine.
Nauna nang ipinag-utos ng Department of Health (DOH) na maimbestigahan ang kasong ito.
Sinabi naman ng Overseas Workers Welfare Administration na kaya hindi nailipat sa ospital si Rachel dahil punuan na ang mga ospital sa Cebu bunsod ng mataas na kaso ng COVID-19.