Sinuspinde na ng Department of Tourism (DOT) ang lahat ng tourism-related activities sa Mt. Pinatubo sa Botolan, Zambales.
Ito ay kasunod ng inilabas ng LGU Botolan na Executive Order No. 05 s. 2025 na nagsasaad na lahat ng biyahe, tourism program, at mga proyektong isinasagawa sa naturang bulkan ay pawang kanselado.
Ipinatupad ang naturang suspension kasunod na rin ng reklamo ng ilang mga miyembro ng Aeta Indigenous Peoples sa Tarlac kung saan apektado umano ang kanilang indigenous right sa naturang lugar.
Ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), hinaharangan ng mga katutubong agta ang daanan patungo sa Mt. Pinatubo Center dahil sa umano’y hindi maayos na compensation sa kanila habang hindi rin kinikilala ang kanilang karapatan sa lugar bilang ancestral domain.
Ilan sa kanila ang hinuli at pansamantalang ikinulong, bagay na kinuwestyon ng NCIP. Kinalaunan, tuluyan ding pinalaya ang mga ito.
Ayon pa sa komisyon, ang naturang insidente ay nagpapatunay ng pangangailangang magkaroon ng maayos na diyalogo upang mapag-usapang maayos ang ancestral rights sa mga lupa, at ang pag-usbong ng turismo.
Ayon naman sa DOT, bagaman kinikilala nito ang papel ng local tourism para sa paglago ng ekonomiya ng bansa, suportado nito ang desisyon ng lokal na pamahalaan, upang maayos maresolba ang isyu sa bulkang Pinatubo.
Ayon pa sa ahensiya, kinikilala din nito ang alalahanin ng mga katutubong agta sa naturang lugar.