-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng Philippine Coast Guard upang matukoy kung saan nagmula ang mga tar balls at oil waste na nakolekta kamakailan lamang sa baybaying malapit sa isang kilalang resort sa isla ng Boracay.

Ayon kay Lt. Jason Lavadia, provincial station commander ng Philippine Coast Guard Aklan, itinuturing nila itong seryosong bagay na maaaring pagmulan ng negatibong impact sakaling muling may makitang mga tar balls.

Ang tar balls aniya ay mula sa crude oil na humalo sa mga buhangin at tumigas na kalaunan na posibleng makapaminsala sa kalidad ng tubig-dagat na magdudulot ng masamang impresyon sa Boracay na isa sa mga top tourist destination sa buong mundo ngayong summer season.

Una rito, kaagad na kumilos at gumawa ng hakbang ang Philippine Coast Guard Sub-Station Boracay (CGSS Boracay) upang mainspeksyon ang mga nakita at nakolektang mga tar balls.

Katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), nilinisan ng CGSS Boracay ang dalampasigan, kumuha ng water sample at gumamit ng oil fingerprinting techniques upang matukoy ang pinagmulan ng polusyon.

Sa pakikipagtulungan sa Marine Environmental Protection Enforcement Response Unit (MEPERU–Aklan), Community Environment and Natural Resources Office (Cenro) Boracay, at mga staff ng hotel, nakakuha ang grupo ng 125.6 kgs ng tar balls at oil waste mula sa 350 metrong bahagi ng baybayin.

Samantala, tiniyak naman ng Philippine Coast Guard ang kanilang dedikasyon sa pagprotekta sa karagatan ng Boracay upang mapanatili ang isla bilang huwaran at sustenableng turismo.