bantag bilibid NBP
New BuCor chief Gerald Bantag atop an APC tank (file photo from DOJ)

Nagpakita ng puwersa ang mga miyembro ng PNP-Special Weapons and Tactics (SWAT) teams, kasama ang mga snipers at armored personnel vehicles sa New Bilibid Prisons (NBP) compound.

Kasunod ito ng tensiyon dahil sa patuloy na pagbaklas sa mga iligal na kubol na itinayo sa loob ng NBP.

Sinabi ni Bureau of Corrections spokesperson Major Alberto Tapiru, mayroong mahigit 18,000 na mga inmates ang apektado sa demolisyon.

Bagamat maraming mga umiikot na kapulisan at maging mga tangkeng panggiyera na inilagay, tiniyak ni Tapiru na kontrolado pa rin ang sitwasyon sa lugar.

Sinabi na rin ni Atty. Wena Dalagan, isa rin sa spokesperson ng BuCor, meron kasing natatanggap sila ng intelligence report sa posibleng paghasik ng gulo lalo na at unang binaklas na mga kubol ay kabilang ang ilang high profile inmates.

Noong nakaraang linggo lamang ay isang pagsabog ang naganap mula sa improvised explosive devise sa bahagi ng maximum security compound ng NBP.