-- Advertisements --
KALIBO 1

Nakatawid na sa isla ng Boracay ang mga turistang na-stranded sa Caticlan Jetty Port matapos na pahintulutan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbalik operasyon at biyahe ng mga motorbanca mula sa Tambisaan Port patawid ng Tabon Port.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Coast Guard Senior Chief Petty Officer Dominador Salvino ng PCG-Aklan na kaagad nilang inabisuhan ang mga lokal at dayuhang turista na pwede na ang mga ito makatawid sa isla upang makapagpahinga sa kani-kanilang booking hotels matapos na inalis ang storm warning signal sa lalawigan ng Aklan dulot ng nagdaang bagyong Paeng.

Ngunit, pinag-aaralan pa nila sa ngayon kung ibabalik ang ilang water sports activities dahil sa may kalakasan pa ang hangin at alon lalo na sa front beach.

Kaugnay nito, kaniya-kaniyang diskarte ang mga establisyimento upang maharangan sa hangin ang kanilang negosyo lalo na ang mga restobar na gawa sa mixed materials na pwesto.

Hindi naman nagpaawat ang mga turista na kahit bumabayo ang hangin ay patuloy pa rin ang pag-iikot ng mga ito sa tanyag na isla.

Sa kabilang dako, pito na ang naitalang nasawi sa lalawigan ng Aklan dahil kay bagyong Paeng habang may isa pa rin na patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Kinabibilangan ito ng lima mula sa bayan ng Libacao, tig-isa sa Batan at Lezo na huling nakita ang bangkay sa mismong taniman nito.

Kinilala ni P/Capt. Bryan Alamo, hepe ng Lezo Municipal Police Station ang huli na si Teddy Martelino, 74, ng Barangay Poblacion, Lezo, Aklan kung saan hindi na ito nakabalik sa kaniyang pamilya matapos na puntahan ang alagang baka sa kaniyang taniman upang salbahin sa baha.

Wala aniyang kasama ang matanda nang mangyari ang insidente kung kaya’t pinaniniwalaan na tinangay ito ng tubig-baha na umapaw mula sa Aklan River.