Iminungkahi ni Senador Robin Padilla na pansamantalang ipaubaya sa National Development Support Command (Nadescom) ang pagpapatupad ng mga proyektong pang-flood control, kasunod ng mga imbestigasyon at mga pagbibitiw sa Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa umano’y malawakang katiwalian.
Ang National Development Support Command (Nadescom) ay isang yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Isa itong engineering at development arm ng militar na nakatuon sa pagtulong sa pagpapatayo ng mga imprastraktura, lalo na sa mga lugar na apektado ng insurgency o malalayong komunidad.
Ayon kay Padilla, itinatag ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang National Development Support Command noong 2006 upang makatulong sa paglaban sa communist insurgency sa pamamagitan ng pagpapatayo ng iba’t ibang imprastraktura.
Bago ito binuwag noong 2014, nakapagsagawa umano ang unit ng mahigit 1,800 proyekto kabilang ang mga paaralan, farm-to-market roads, health centers, rural electrification, tulay, water systems, multi-purpose buildings, at rain collectors, katuwang ang mga pribadong donor at lokal na development councils.
Tugon naman ni Senador Panfilo Lacson, na unang naglantad ng iregularidad sa flood control projects, kakaiba man ang mungkahi ni Padilla ay maaari itong pag-aralan.
Iminungkahi rin niya na maaaring magpalabas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng isang executive order upang muling buhayin ang tanggapan at ilipat dito o sa Department of National Defense/AFP ang pondong orihinal na inilaan para sa flood control sa panukalang budget ng DPWH sa susunod na taon.