Papangalanan na ng whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy ang mga pulis na dawit umano sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ito ay kasabay ng paghahain ng kaniyang sinumpaang affidavit sa National Police Commission (Napolcom) ngayong Lunes, Hulyo 14.
Tinawag naman ito ni Napolcom Vice Chairman Ralph Calinisan bilang isang malaking development dahil gugulong na ang proseso ng imbestigasyon sa mga sangkot na matagal nang inaantay ng mga pamilya ng mga biktima.
Ayon Kay Calinisan, kabilang sa imbestigasyon ang pormal na paghahain ng kaso laban sa mga akusadong police officers, pagkumpara sa kanilang mga tugon sa mga alegasyon ni Patidongan at pagtimbang sa lahat ng mga ebidensiya sa loob ng 60 araw.
Aniya, sakaling inosente ang mga idinadawit na pulis iaabswelto sila subalit kung guilty naman ay dapat silang managot.
Nauna na ngang isiniwalat ni alyas Totoy na kabilang sa mga sangkot ay ang tinatawag na “Vito” na isang lieutenant colonel na nagsilbing team leader.
Tiniyak naman ni Calinisan na susundin nila ang due process sa pagsisiyasat sa mga pulis na umano’y sangkot.
Sakaling mapatunayang guilty ang mga ito sa grave misconduct, mahaharap sila sa suspensyion hanggang sa agarang pagsibak sa serbisyo at patung-patong na bilang ng mga kaso.