-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pito pang Pilipino ang dumating sa Birmingham matapos ilikas sa Afghanistan ng British Army.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Mark Donald Suela, kasapi ng security team ng isang British Company na unang dumating sa United Kingdom na labing-isa silang Pilipino na naka-quarantine ngayon sa isang hotel.

Kabilang aniya sa mga Pilipinong pinakahuling dumating sa hotel si Ginoong Joseph Glenn Gumpal, Pangulo ng Samahang Pinoy sa Afghanistan (SPA).

Ayon kay Ginoong Suela, unti-unting nailalabas sa Afghanistan ang mga Pinoy. Ang iba aniya ay nailikas sa Pakistan at iba pang bansa malapit sa Afghanistan.

May iba pang mga naiwan at nangangamba sila habang naghihintay ng flight palabas sa naturang bansa.

-- Advertisement --

Samantala, minomonitor din ng Philippine Embassy sa London ang kalagayan ng mga Pilipino na inilikas sa UK mula sa Aghanistan.

Sinabi ni G. Suela na nagbigay na ng tulong ang embahada at may nakipag-ugnayan na rin sa kanila mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

May mga Pilipino ring nakatira malapit sa mga hotel kung saan sila naka-quarantine na nagbigay ng mga tulong.