Nagmartsa ang grupo ng mga pari, madre, at mga mananampalataya ng Simbahang Katolika ngayong Oktobre-11, bilang protesta sa lumalalang korapsyon sa pamahalaan.
Tinawag nila ang naturanga aktibidad bilang ‘Lakad Para sa Katarungan Laban sa Korapsyon’.
Mula sa Mendiola, Manila tumungo ang mga ito sa National Shrine at Parish of the Blessed Virgin of Loreto sa Sampaloc, Manila.
Hawak ng mga protester ang mga tarpaulin kung saan nakasulat ang kanilang panawagan sa government officials tulad ng hindi pagnanakaw – hindi lamang sa pagkuha ng pera ng taumbayan kungdi pagnanakaw ng tiwala, dangal, at katarungan.
Daan-daang mga kabataan at mga mananampalatayang nakasuot ng puting damit ang sumama sa mahabang martsa. Ang mga ito ay mula sa iba’t-ibang parish sa Metro Manila.
Natapos ang protesta sa pamamagitan ng isang banal na Misa.
Ang Simbahang Katolika ang isa sa mga matapang na komokondena sa nangyayaring korapsyon sa pamahalaan, lalo na sa nabunyag na iskandalong bumabalot sa mga flood control project.
Ilang beses na ring naglabas ang Simbahan ng apela sa publiko na bantayan ang mga serye ng imbestigasyon na sumesentro sa naturang iskandalo, manindigan hanggang lumabas ang katotohanan, at magprotesta laban sa korapsyon.
Kung babalikan ang matagumpay na Trillion Peso March noong Setyembre 21 ay maraming alagad ng Simabahan din ang nakibahagi at sumama sa libu-libong nagprotesta sa Luneta at EDSA Monument.