KALIBO, Aklan — Nagpapatuloy ngayon ang clearing operations ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Kalibo upang linisin at tanggalin ang mga bumagsak na mga kawayang arko na inilagay na palamuti kamakailan lamang para sa nalalapit na selebrasyon ng Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-Atihan festival 2026.
Dahil sa malalakas na hangin at ulan dala ng Bagyong Verbena, nagbagsakan ang mga arkong dekorasyon na inilagay sa mga pangunahing kalsada sa Kalibo.
Masuwerte namang walang napaulat na nasaktan nang mangyari ang insidente.
Sa kabilang daku, daan-daang mga residente sa Aklan ang inalerto matapos isailalim sa ‘Orange warning level’ ang lalawigan, kung saan napansin ang biglang pagtaas ng tubig sa Aklan River.
Umabot naman sa 175 na indibidwal ang stranded sa Caticlan jetty port matapos na suspindihin ng Philippine Coast Guard Aklan ang paglalayag ng mga RoRo vessels at iba pang sasakyang pandagat dahil sa bagyo.
Sa ngayon ay balik na sa normal ang biyahe ng mga sasakyang pandahat sa naturang pantalan.
















