Inihayag ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Secretary Jesus Crispin Remulla na kaya umanong pangalanan ng potensyal na ‘whistleblower’ ang mga opisyal ng gobyerno sangkot sa isyu ng flood control projects.
Ayon sa naturang Justice Secretary, nagbigay aniya raw ito ng ideya hinggil sa mga kontratista, at maging sa ilang taga-Department of Public Works and Highways kung papaano ang kalakaran sa kontrobersyal na mga proyekto.
Kanya pang sinabi na ang nakausap niyang ito ay mayroong nalalaman maging sa iregularidad ng mga kontrata sa ‘ghost projects’ partikular sa bahagi ng Central Luzon.
Ngunit aniya’y wala pang kasiguraduhan kung itutuloy nito ang paglantad bilang testigo o whistleblower laban sa mga tiwaling opisyal na sangkot.
Samantala, tiniyak naman ng Department of Justice ang pagbibigay ng proteksyon sa kung sino man ang lalantad pang testigo o ‘whistleblower’.
Ayon kay Justice Secretary Remulla, kailangan lamang na gumawa ng liham upang maisailalim sa Witness Protection Program ng kagawaran.
Ngunit dagdag pa ng naturang kalihim, kinakailangan pa munang masampahan ng kaso ang ‘whistleblower’ para maisama sa Witness Protection Program.
Aniya’y sa una’y sasampahan ito ng kaso at kalauna’y madi-discharge din upang maisapormal ang pagiging isang ganap na testigo.