Umaasa ang grupo ng mga taxi operators na aprubahan na ng pamahalaan ang kanilang kahilingan na taasan ang kanilang flag-down rate.
Inihayag ni Philippine National Taxi Operators Association president at Atty. Jesus Manuel Suntay na tatlong buwan na ang nakalipas simula nang ipinaabot nila ang nasabing kahilingan.
Naghihintay pa rin sila sa desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa kanilang iminungkahi na P20 na increase sa flag-down rate.
Kapag ito ay naaprubahan, magiging nasa P60 ang flag-down rate sa mga taxi.
Sinabi ni Suntay na kailangan talagang taasan ng mga taxi operator ang flag-down rate dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa kanya, ang limitadong operasyon at mga pasahero sa panahon ng pagpapatupad ng ilang mga paghihigpit sa liwanag ng pandemya ng COVID-19 ay nakaapekto rin sa industriya ng pampublikong sasakyan.
Inaasahan aniya nilang tataas pa ang presyo ng gasolina sa pagsisimula ng “ber” months.