Nakatakdang itaas sa yellow alert ang Visayas power grid mamayang hapon at gabi ngayong Martes, Agosto 5.
Ito ay sa gitna ng forced outages sa ilang mga planta ng kuryente, dahilan ng pagnipis ng suplay ng kuryente.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), epektibo ang yellow alert sa naturang grid mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon at mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-8:00 ng gabi.
Paliwanag ng transmission service provider na may 12 planta ang nagpatupad ng forced outage mula Abril hanggang Agosto at anim naman na iba pang planta ng kuryente simula pa noong 2023.
Habang may walong planta na nasa derated capacities o nag-o-operate ng mas mababa sa kapasidad nito.
Sa kabuuan, nasa 744 megawatts ang hindi available sa grid.
Saklaw ng Visayas grid ang interconnected island grids sa Cebu, Negros, Panay, Leyte, Samar at Bohol.
Ang yellow alert ay iniisyu kapag bumababa ang suplay ng kuryente habang tumataas naman ang demand dito.
Samantala, iniulat ng NGCP na nananatiling nasa normal na kondisyon ang Luzon at Mindanao grids.