-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patay ang isang pulis at isa ding job order employee ng Land Transportation Office (LTO) sa naganap na barilan kaninang alas-3:35 ng madaling araw sa Barangay Sta. Cruz, bayan ng San Jose, lalawigan ng Dinagat Islands.

Kinilala ang nasawing pulis na si Patrolman Ferry Sida Jaso, 29 taong gulang, may asawa, tubong Mainit, Surigao del Norte at nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Dinagat Islands Provincial Field Unit (DIPFU).

Samantala, kinilala naman ang isa pang nasawi na si Anjun Casador, residente ng Purok 1, Barangay Sta. Cruz, San Jose, Dinagat Islanda at isang job order employee sa lokal na pamahalaan ng nasabing bayan at naka-detail sa LTO-Dinagat Islands.

Batay sa pa-unang imbestigasyon, nagsagawa ng surveillance operation ang mga operatiba ng CIDG-DIPFU laban kay Casador dahil umano sa pagkakasangkot nito sa ilegal na mga aktibidad.

Pagdating ng mga operatiba sa lugar, bigla umanong binaril ni Casador sa ulo si Jaso na agad nitong ikinamatay. Dito na gumanti ng putok ang kasamang pulis ni Jaso na si Patrolman Leonel Estroso, at pinaputukan si Casador ng pitong beses na agad din nitong ikinasawi.