KORONADAL CITY – Doble ingat sa ngayon ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang Lebanon dahil sa nangyayaring kilos protesta doon.

Ipinoprotesta kasi ng mga raliyista ang panukala ng kanilang bansa na maging independent at ang pagbagsak ng dollar reserves ng naturang bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Annalyn Dagum, isang OFW sa Beirut, wala na umanong nagtatrabaho at lahat ay kasali na sa naturang protesta.

Kahit wala umanong dinadakip o ikinukulong na mga raliyista, naka-standby aniya ang mga pulis sa posibleng paglala ng naturang aktibidad.

Dagdag ni Dagum, idinadaan ng mga tao ang pagsusunog ng goma bilang kanilang pagkontra sa panukala ng kanilang pamahalaan.

Kaugnay nito, inabisuhan na sila ng embahada na lumikas na sa naturang bansa upang makauwi na sila sa Pilipinas.

Tiniyak rin niya sa kaniyang mga kaanak dito sa Pilipinas na nasa ligtas silang kondisyon dahil hindi naman siya sumasali sa mga nagpoprotesta at palagi silang nakabantay sa mga pangyayari.