KALIBO, Aklan—Nahihirapan ang mga negosyante sa lalawigan ng Aklan na makasunod sa ipinatupad na maximum suggested retail price (SRP) ng Department of Agriculture sa presyo ng sibuyas na epektibo noong December 1, 2025.
Ayon kay Alexys Apolonio ng Office of the Provincial Agriculturist-Aklan, karamihan sa mga nagbebenta sa mga pampublikong merkado ay umaasa lamang sa importation dahil sa hindi sapat ang supply ng nasabing produkto sa rehiyon ng Western Visayas.
Aniya, ang mga ipinagbibiling sibuyas sa Aklan ay mula pa sa rehiyon ng Luzon kung saan, sa simula pa lamang ay mataas na ang kuha ng mga ito sa kanilang supplier kung kaya’t umabot sa P300 pesos bawat kilo ng sibuya sa mga pampublikong merkado sa lalawigan.
Suhestyon ng Office of the Provincial Agriculturist-Aklan sa mga negosyante na ubusin muna ang natitirang supply bago mag-angkat upang masunod na ang SRP na P120 bawat kilo ng pula at putting sibuyas.
Dagdag pa ni Apolonio na babantayan nila ang mga negosyante upang mahigpit na maipatupad ang SRP sa nasabing agricultural products.















