-- Advertisements --

Umabot sa nasa 25,000 indibidwal ang permanenteng nawalan ng trabaho nito lamang buwan ng Enero sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, nasa kabuuang 25,226 na manggagawa mula 1,421 food establishments ang tuluyang nawalan ng hanapbuhay sa nasabing buwan.

Kasabay nito, inilahad ni Tutay na nasa 108,000 manggagawa ang maaaring makabalik sa trabaho sa oras na luwagan na ang mga ipinatutupad na quarantine restrictions.

“Meron pa rin po tayong 108,000 workers na under flexible work hours or those working for temporary closed establishment. Kapag lumuwag na ang ating [restrictions sa ating] ekonomiya, ito pong mga 108,000 ay maaring tuluyang makabalik sa five days, six days a week [na trabaho],” ani Tutay.

Una nang iminungkahi ng Labor department ang pagkakaroon ng tatlong buwang subsidiya para sa mga manggagawa na nagkakahalaga ng P7,000 hanggang P11,000 kada indibidwal bawat buwan.

Ito aniya ay nagkakahalaga ng P62 billion hanggang P180 billion.

Gayunman, nakabinbin pa rin ito sa lamesa ng Pangulong Rodrigo Duterte.

“The wage subsidy…we have submitted it to the Office of the President because we want to preserve the employment ng ating mga kababayan,” lahad ni Tutay.

“Iyong workers ng temporarily closed businesses, mga 2.5 million workers po ang affected riyan,” dagdag nito.