-- Advertisements --

Pinagpapaliwanag ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang contractor na F2 Logistics na ipaliwanag ang natagpuang election paraphernalia sa isang bakanteng lote sa Amadeo, Cavite.

Pero nilinaw naman ni Comelec Commissioner George Garcia na ang naturang mga election items ay ginamit bilang training materials at hindi official ballots.

Aniya ang mga boxes daw ay para sa mga official ballots pero ang mga dokumento na nasa loob nito ay mga training ballots.

Lumalabas na ang isa sa mga box ay naglalaman ng vote paper audit trail o resibo.

Makikita rito ang pangalan ng mga kandidato at ang mga na-shade na pangalan kasama na ang mga envelop para sa election returns.

Ang label ay Barangay 51, City of Manila First District, Jose Rizal Elementary School sa Tayuman Pingkian Street polling center sa Tondo, Manila at ang clustered precincts.

Kinuwestiyon din ni Garcia kung bakit ang mga dokumento ay ipinasakamay sa F2 Logistics dahil dapat daw ay nakatago ang mga ito sa mga polling precincts o nasa opisina ng principal.

Magbibigay naman ng karagdagang impormasyon ang Comelec bukas kaugnay ng naturang isyu.