Sinagip ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng ‘Pag-abot Program’ ang mga pamilyang nakatira sa lansangan sa kahabaan ng NIA Road, Quezon City.
Pinamunuan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang personal na pakikipag-usap sa mga pamilya at indibidwal na nasa lansangan kaugnay sa pagtulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbabalik sa kanilang mga lugar na pinagmulan at pagbibigay ng agarang tulong at mga pangmatagalang solusyon.
Nilagdaan noong Enero 18, 2024, ang ‘Pag-abot Program’ ay isa na sa mga pangunahing programa ng pamahalaan sa ilalim ng Executive Order No. 52.
Pinagtibay ng Executive Order ang programa bilang isang plataporma para sa mas pinahusay at pinagsama-samang pagbibigay ng serbisyo sa mga mahihinang bata, indibidwal, at pamilyang nasa kalagayang lansangan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga social safety net at proteksyon laban sa mga panganib na dulot ng kahirapan.