Umaabot na sa 50,000 katao ang nagpahayag nang kagustuhang umuwi sa kani-kanilang mga lalawigan sa ilalim ng “Balik Probinsya Bagong Pag-asa” program.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año na ang nasabing bilang ng mga aplikante ay kombinasyon ng mga nag-apply online at ‘yung nagpunta mismo sa tanggapan ng National Housing Authority (NHA).

Sa ngayon inuuna muna nilang pabalikin ng mga lalawigan ay may mga bahay na para livelihood o kabuhayan na lamang ang ipagkakaloob sa kanila ng gobyerno.

Habang sa mga walang bahay na nagnanais makauwi ng probinsya ay hinahanapan pa nila ang mga ito ng matitirhan at tsaka bibigyan ng naaangkop na pangkabuhayan.

Tiniyak din ng kalihim na ang gobyerno na ang bahala sa kanilang transportasyon.

Samantala, sa mga nais umuwi sa kanilang probinsya ay maaaring mag-apply online sa balik probinsya.ph.

Magugunitang nitong May 6 nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “Balik Probinsya Bagong Pag-asa” program kung saan layon nitong ma-decongest ang Metro Manila at palawakin, dalhin sa mga probinsya ang pagbibigay ng social services, paglikha ng maraming trabaho at negosyo at tiyakin na maitaas ang antas ng pamumuhay sa mga rural areas.