-- Advertisements --
cropped rice farmers 2

Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng P1 billion pondo para susunod na taon bilang tulong sa mga nagtatanim ng mais at mangingisda.

Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na sa pondong ito, P510.45 million ay para sa Department of Agriculture (DA), para maipagkaloob sa mga nagtatanim ng mais o corn farmers, habang ang P489.6 million ay bahagi ng budget ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para ibigay naman sa mga mangingisda.

Ayon kay Pangandaman, doble ang budget na ito mula sa P500 milyon lamang na budget para sa taong kasalukuyan.

Layunin aniya nito na maipagpatuloy ang pamamahagi ng fuel discounts sa mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda na na nagmamay-ari o nag-o-operate ng agricultural at fishery machinery.

Gayunpaman, sinabi ni Pangandaman na hindi pa naisasapinal ang patakaran para sa pagpapatupad nito dahil nakasalalay sa magiging kondisyon ng Dubai crude oil price ang programa, kung saan dapat na mas mataas na $80 dollars per barrel ang presyo ng krudo sa tatlong magkakasunod na buwan.

Samantala, tiniyak din ni Pangandaman na may alokasyon din sila ng P10 bilyong pondo para sa rice competitive enhancement fund (RCEP) para sa susunod na taon.

Layunin ng RCEP na mapahusay ang produksyon at pagiging competitive ng mga local na magsasaka ng palay at mapataas ang kanilang kita sa pamamagitan ng probisyon sa kanila ng mga makina o equipment, rice seed development, progation and promotion at pinalawak na rice credit assistance at rice extension service.