Inihayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kanyang pag-aalala matapos matukoy ang ilang kumpanya na pag-aari ng pamilya Discaya bilang mga nangungunang kontratista sa mga flood control projects sa bansa.
Sa isang pulong balitaan noong Lunes, Agosto 11, ibinahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ulat mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagsasabing 20% ng P545 billion budget para sa flood control projects ay napunta sa 15 kontratista mula Hulyo 2022.
Ayon pa kay Marcos Jr., limang kontratista sa mga ito ang may proyekto halos sa buong bansa.
Kabilang sa mga ito, ayon kay Mayor Sotto, ang mga kumpanyang Alpha & Omega, St. Timothy, at St. Gerrard na pag-aari ng pamilya Discaya, na matagal nang katunggali niya sa politika.
“Ngayon, unti-unti nang nalalaman ng taumbayan ang buong katotohanan. As the president told them during the SONA, ‘MAHIYA NAMAN KAYO!’” dagdag ni Sotto.
Ipinaliwanag din ni Mayor Vico kung paano umano umiikot ang korapsyon sa ganitong mga proyekto, kabilang ang pagbibigay ng 1% ng halaga bilang “tulong” upang magkaroon ng magandang imahe ang mga nasa likod nito.
Nagbahagi rin ang Alkalde ng karagdagang impormasyon tungkol sa iba pang kumpanya na konektado sa pamilya Discaya, kabilang ang mga kontratang natanggap ng Elite Construction, na umano’y pag-aari rin ng mga ito.
Nabatid na ang kontrobersyal na St. Timothy Construction, na kabilang sa mga nabanggit na kumpanya, ay nag-withdraw rin mula sa isang joint venture sa Commission on Elections para sa midterm elections.
Matatandaang nagwagi si Sotto laban kay Sarah Discaya sa Pasig mayoral race nitong Mayo. Dati na rin niyang itinuro ang mga isyu tungkol sa paggamit ni Discaya ng British passport at ang pagiging first-time voter nito na nagdulot ng mga katanungan sa publiko.