Tuloy-tuloy ang pag-aalay ng dasal ng mga mamamayan sa Argentina para kay Pope Francis, kasunod ng kaniyang pamamayapa nitong Abril-21.
Si Pope Francis, na ipinanganak bilang Jorge Mario Bergoglio December 17, 1936, ay nagmula sa Flores, isang commercial at residential area sa Buenos Aires.
Mula noong kinumpirma ng Vatican ang pagpanaw ng Santo Papa, tuloy-tuloy na ang pag-aalay ng misa sa naturang bansa, pangunahin dito ang mga serye ng misa at pag-aalay ng panalangin sa Basilica San Jose de Flores, ang lugar kung saan nagkaroon ng spiritual awakening ang Santo Papa.
Sa isang panayam kay Archbishop Jorge Ignacio Garcia Cuerva ng naturang basilica, sinabi niyang pawang kalungkutan ang nararamdaman ng mga Argentinian matapos ang pagpanaw ng kanilang kababayan na nagsisilbing pinakamataas na lider ng mga mananampalatayang Katoliko sa buong mundo.
Mistulang naulila aniya ang bawat isa matapos ang pagpanaw ng Santo Papa.
Gayonpaman, iginiit ni Archbishop Cuerva na mananatiling buhay at magpapatuloy bilang isang tanglaw ang buhay at mga turo ni Pope Francis.
Ayon pa sa Arsobispo, mananatili ring buhay ang mga nagawa ng Santo Papa sa naturang Basilica kung saan siya dating nagsilbi bilang Cardinal Jorge Bergoglio.