-- Advertisements --

Sinabi ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) nitong Lunes na ang mga alegasyon ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez ay walang legal na batayan hangga’t hindi inilalagay sa pormal na panunumpa at maipasa sa tamang awtoridad.

Ayon kay IBP National President Atty. Allan Panolong, ang mga hindi sinumpaang pahayag ay hindi maaaring maging ebidensya sa korte.

Binanggit din niya na ang oath taking ay nagtitiyak ng accountability at nagbibigay daan sa due process, kung saan may pagkakataon ang akusadong partido na ipagtanggol ang kanyang sarili.

Dagdag pa ni Panolong, hindi lahat ng materyal na ipinapakita online ay automatic bilang ebidensya, at kailangang may tamang authentication ng mga larawan at dokumento mula sa mga eksperto.

Ito ay kasunod ng ikatlong bahagi ng video ni Co, kung saan inakusahan niya si Romualdez ng pananakot sa kanyang buhay at nagsabing marami pa siyang ilalabas na mga ebidensya sa mga susunod na araw.