Iminungkahi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pagkakaroon ng transparency at accountability mechanisms sa mga irrigation projects ng National Irrigation Administration (NIA).
Ang panukala ni Pangilinan ay upang hindi na maulit pa ang maanomalyang flood control projects.
Binigyang-diin ng senador, na siyang pinuno ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, na mahalaga ang epektibo at malinis sa korupsyon na mga irrigation projects para mapabuti ang produktibidad sa agrikultura at mapalakas ang seguridad sa pagkain ng bansa.
Kasama sa panukala ni Pangilinan ang isang transparency special provision sa panukalang budget para sa 2026, kabilang ang P50 milyon para sa pagbuo ng isang public online dashboard.
Nakapaloob dito ang pagpapakita ng mga larawan, geo-tagging, pangalan ng mga contractor, halaga, at status ng bawat proyekto bilang bahagi ng mandato para sa mas bukas na pamamahala ng NIA.
Sa subcommittee report na isinumite niya kay Senador Win Gatchalian, chair ng Senate Committee on Finance, iginiit ni Pangilinan ang karagdagang pondo para sa tatlong special provisions: Transparency of Irrigation Projects, Citizen Participatory Audit, at Quarterly Reporting Requirement.
Sa ilalim ng mga nasabing probisyon, obligadong lumikha at magpanatili ang NIA ng isang public online dashboard na magpapakita ng timeline, status, pondo, awarded contracts, mga contractor, at geo-tagged photos sa iba’t ibang yugto ng proyekto.
Layunin nitong magbigay ng real-time monitoring sa implementasyon ng mga proyekto at gawing mas madaling ma-access ng publiko at mga oversight agency ang impormasyon tungkol sa paggastos at takbo ng proyekto.
Binigyang-diin din ng report ang pangangailangan para suportahan ng NIA ang Citizen Participatory Audit Program ng Commission on Audit (COA), na naglalayong bigyan ng mas malaking papel ang civil society sa pag-audit ng mga programa ng pamahalaan upang matiyak ang wastong paggamit ng pondo.
Inirekomenda rin ni Pangilinan ang quarterly reporting requirement na mag-oobliga sa NIA na magsumite ng ulat kada quarter sa House Committee on Appropriations at Senate Committee on Finance. Kabilang dito ang status ng mga proyekto, progreso ng implementasyon, pisikal at pinansyal na accomplishments, at mga isyung nakaaapekto sa pagtatapos ng mga ito.
Inaasahan naman ni Pangilinan na ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa ng mga infrastructure project ay maglalagay din ng kumpletong detalye at eksaktong coordinates sa kanilang panukalang budget upang higit pang mapalakas ang transparency at accountability.
















