-- Advertisements --

Ibinunyag ng grupong Ban Toxics ang patuloy na paglabas ng mga iligal na paputok sa Divisoria, Manila, isa sa mga pangunahing bentahan ng iba’t-iba at napakaraming produkto sa National Captial Region (NCR).

Ayon sa campaigner ng grupo na si Thony Dizon, ito ay sa kabila ng mga batas na nagbabawal sa paggawa, paglabas, at pagbebenta ng mga naturang paputok.

Ibinunyag ni Dizon na maging ang kanilang grupo ay nakabili rin ng mga iligal na paputok na kinabibilangan ng Super Plapla, Five Star, at Piccolo.

Ang mga ito aniya ay ibinebenta nila ng pasikreto, bagay na nagpapatunay sa patuloy na pag-iral ng underground trade.

Kabilang ang Divisoria sa mga malalaking merkado na pinuntahan ng grupo upang magsagawa ng inspection.

Ayon pa kay Dizon, dapat ay lalo pang higpitan ng mga pulis at barangay officials ang pagpapatrolya sa mga merkado upang masigurong walang maipupuslit na illegal firecrackers na kadalasang nagdudulot ng mga aksidente.

Binigyang-diin ng grupo ang pangangailangang mahigpit na ipatupad ang mga batas na nagbabawal sa paggawa, distribusyon, at pagbebenta ng mga iligal na paputok tulad ng Republic Act No. 7183 na nagreregulate sa paggawa at bentahan ng firecrackers at Republic Act No. 10620 o kilala bilang Toy and Game Safety Labeling Law na may saklaw sa consumer safety para sa mga produktong maaaring gamitin at laruin ng mga bata.