-- Advertisements --

Kasabay ng pagsisimula ng pagsasaayos ng San Juanico Bridge sa may Eastern Visayas, ininspeksyon ng Department of Transportation (DOTr) katuwang ang Philippine Ports Authority (PPA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang daloy ng mga transportasyon sa lugar. Tiniyak ng mga ahensya na kahit kasalukuyang inaayos ang pangunahing tulay na nagkokonekta sa Samar at Leyte, hindi maaapektuhan ang byahe ng mga tao, kalakal, pagkain pati na rin ng krudo.

Matatandaan na sinabi ni Department of Public Works and Highways Secretary (DPWH) Manuel Bonoan, gagawa ng mga alternatibong ruta sa lugar para kahit inaayos ang tulay at may load limit ito sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang mga byahe rito.

Isa sa mga nais ipatayo ang mga Roll-on/Roll-off (RoRo) facilities sa may Carigara, Leyte na makakatulong sa transportasyon habang isinasagawa ang rehabilitasyon. Kaugnay nito, binisita rin nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Robert Bernardo, at iba pang opisyal ng gobyerno ang Amandayehan Port sa Basey, Samar upang siyasatin ang lugar at talakayin ang mga posibleng alternatibong ruta na ipatupad.

Pinuntahan din nila ang Tacloban Port bilang bahagi ng kanilang pagsusuri. Ang inspeksyon ay nakatuon sa pagsusuri ng kapasidad ng pantalan at mga kalapit na imprastruktura, gayundin sa pagtukoy kung paano maaaring magsilbing alternatibong ruta ang Tacloban Port para sa mga kargamento at mabibigat na sasakyang apektado ng restriksyon sa tulay.

Layunin ng inisyatibong ito na matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng kalakalan at mobilidad sa pagitan ng Samar at Leyte.