BUTUAN CITY – Hindi masukat ang kaligayahang naramdaman ng Cabadbaranong frisbee player na si Abigail Abing matapos makasungkit ng gold medal sa flying disc ultimate ang kanilang grupo na kumatawan sa Pilipinas sa 33rd Southeast Asian o SEA Games sa Thailand.
Sa eksklusibong panayam sa Bombo Radyo Butuan, ibinahagi ni Abing na makasaysayan ito para sa Pilipinas dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na isinama sa SEA Games ang nasabing event na kilala rin bilang Ultimate Frisbee.
Inaasahan na rin umano ng Team Philippines na makakuha sila ng gold medal dahil number one sa ranking ang Pilipinas sa Asya para sa nasabing sports, at isa rin sila sa mga itinuturing na contender sa world competition.
Ang kanilang hangaring makilala ang larong flying disc ng lahat ang nagsilbing pangunahing motibasyon nila sa paglahok sa SEA Games, na labis nilang ipinagpapasalamat dahil sa bonus na gold medal na kanilang napanalunan.
Sa ngayo’y determinado silang ipakilala ito sa kabataan sa buong Pilipinas.
















