Naiuwi na ng gobyerno ng Pilipinas ang mahigit 400 mga Filipino na lulan ng Diamond Princess cruise ship na pinahinto sa Japan matapos tamaan ang ilang pasahero ng deadly virus.
Lulan ng dalawang special filghts na ligtas na nakabalik ang 445 Filipinos, siyam na miyembro ng Department of Health at apat na miyembro ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Dumating ang unang flight dakong alas-10:15 ng gabi sa Clark Airport sa Pampanga na lulan ang 309 Filipinos, dalawang DFA officers at apat na DOH members.
Dakong ala-12:12 ng madaling araw ng dumating naman ang pangalawang eroplano na may lulan na 136 na Diamond Princess crew members, dalawang DFA officers at limang mga DOH members.
Pagdating ng mga ito ay agad silang nai-quarantine sa New Clark City sa Tarlac City kung saan magtatagal sila ng 14 na araw.
Magugunitang sa mahigit na 3,000 mga lulan ng nasabing cruise ship nasa 600 ang kumpirmadong nadapuan ng coronavirus kung saan 80 dito ay mga Filipino habang nakadaong ito sa Yokohama, Japan.