BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Engr. Jose Ceasar Radaza, district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Butuan City District Engineering Office, na iniutos na sa kanila ng kanilang regional director na magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Ito ay kasunod ng pahayag ng bagong talagang DPWH Secretary Vince Dizon na uunahin niyang hilingin ang pagbibitiw ng lahat ng opisyal ng ahensya, kabilang na ang mga district engineers.
May kaugnayan ito sa patuloy na paglilinis sa ahensya matapos mabunyag ang malawakang korapsyon na sangkot ang bilyon-bilyong pisong pondo para sa mga flood control projects.
Ayon kay Radaza, wala pa silang natatanggap na opisyal na memorandum mula kay Sec. Dizon hinggil sa naturang utos, ngunit nakapagsumite na siya ng kanyang courtesy resignation kahapon. Dagdag pa niya, kinokonsolida na ang lahat ng courtesy resignation sa kanilang regional office upang sabay-sabay itong maisumite mula sa iba’t ibang district engineering offices sa Caraga Region sa oras na ito’y hilingin na ng central office.
Para kay Engr. Radaza, wala siyang nakikitang problema sa pagbibitiw bilang tulong sa ahensya, lalo’t malaki pa ang kailangang gawin ng bagong kalihim upang malinis ang imahe ng DPWH.
Nilinaw din niya na ang hinihinging courtesy resignation ay para lamang sa kanilang posisyon, at hindi nangangahulugang aalis na sila sa serbisyo ng gobyerno.