-- Advertisements --

Kinumpirma ng mga pulis sa Houston na isang security guard at posibleng iba pa ang tinurukan ng herengilya na may lamang iligal na droga sa kasagsagan ng Astroworld Festival ni Travis Scott, kung saan walo ang napaulat na namatay habang marami namana ng sugatan habang nasa itaas ng stage ang nasabing rapper.

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Houston Mayor Sylvester Turner na hindi pa rin tukoy sa ngayon ang edad ng isang nasawi, pero ang ilan sa mga binawian ng buhay ay edad 14 hanggang 27.

Sa ngayon, hindi pa tukoy ang dahilan ng kanilang pagkamatay.

Kinumpirma naman ni Turner na 25 iba pa ang isinugod sa ospital, kabilang na ang ilang attendees na pawang mga menor de edad.

Sinabi naman ni Houston police Chief Troy Finner na ang kanyang departamento ay nagpadala ng 528 officers sa lugar at 755 pang security officers ang pinadala naman ng event promoter na Live Nation.

Marami aniya sa ngayon ang usap-usapan ang lumulutang hinggil sa kung ano ang nangyari sa event, pero hinikayat niya ang mga nakasubaybay sa kaso na sundin ang facts at ebidensya.

Isa na rito ang statement mula sa isang security guard na nagsasabing nakaramdam siya na siya ay tinurukan sa kanyang leeg, na kinumpirma namn ng medical staff base sa nakitang marka sa balat nito.

“There were some individuals that were trampled and we want to be respectful to that, we just ask that y’all give us time to do a proper investigation, dagdag pa niya.

Sa ngayon, criminal investigation na aniya ang kanilang ginagawa, na sasalihan na rin ng kanilang homicide at narcotics division.

Nabatid na aabot na sa 25 ang naaresto sa naturang event, kung saan 23 dito ay dahil sa trespassing, isa ang dahil sa public intoxication at isa naman ang nakuhanan ng marijuana.

Napag-alaman na mahigit 200,000 katao ang nagtipon-tipon sa event, pero ang outdoor venue ay limitado lamang sana sa 50,000. (Fox News)